Filipino >>
Bayan ni bayani, bayani ng bayan

Sa panahon ngayon, malaki ang population, komputerisasyon at alam nating super high tech, pero hanggang ngayon iilan lang ang mga bayaning alam natin dahil sa libro at manunulat at ilan lang ang alam nating mga tunay na bayani na nasaksihan ng ating mga paningin.

Sino-sino nga ba ang mga bayani at tunay na mga bayani? Ikaw ba, ako o siya?
Minsan kaharap ko lang pala siya, minsan pinagdadamutan mo pa, minsan rin maaaring naipagtatabuyan pa ninyo at minsan yakap-yakap na pala natin.

Pinaiikot tayo ng mga manunulat, mga libro ng mga bayaning kanilang nilimbag na ngayoy naging pamantayan ng pagiging bayani, naging hawla ng pagnanais at nang pagiging maging. Pero isa lang ang alam ko, ang mga tunay na bayani ng nakaraang henerasyon ay ang mga nagdulot ang kapayapan at kalayaan, hindi iisa hindi lima o sampu kundi ang karamihang disiplinadong mamamayan ng bayan.

Kalimitan noon, umiiral ang pagkabayani kung sinisikil ang kalayaan ng ating bansa. Noon dalawang uri ang pagkabayani, ang martir at tahasang lumalaban.

Ngunit sa panahon ngayon, patuloy pa rin ang giyera, giyera sa lumalalang global warming, giyera sa basura at pollution at giyera sa paglalaho sa sariling kultura at sining, giyera sa nangingibang bansang talino at kaalaman at bansang parang hindi na atin. Sa panahon rin ngayon marami na ring nagsusulputang mga uri ng pagkabayani dahil sa uri ng giyera. Kaya bawat ako may pagkakataon ring maging bayani ng ngayong panahon sa pamamagitan nang sa halip na giyera ay solusyon. solusyon sa lumalalang global warming, solusyon sa basura at pollution at solusyon sa paglalaho sa sariling kultura at sining, solusyon sa nangingibang bansang talino at kaalaman at bansang dapat na atin.

Ang alam ko sa solusyon ay ang hindi ko paninigarilyo, ang hindi ko pagsusunog at pagkakalat ng plastic, ang hindi ko pagpuputol ng mga murang kahoy, ang disiplina sa sarili, ang pagpapahalaga sa kalikasan, sa aking kultura at sining, ang talino ko at kaalaman ay para sa aking bayan at ang pagmamalaki ko na akoy mabuting mamamayang Pilipino. Dahil ang bayan ko, ay ang aking bayan.

------------------------------------
by Amangpintor
Speech contest: 1st place / Nov. 24, 2010
Official Speech for "Araw ng Kagitingan" on Nov. 29, 2010



See more Literary


SAMAHANG MAKASINING(Artist Club), INC.
San Jose City, Nueva Ecija, Philippines
my email: amangpintor@yahoo.com
webiste: http://www.makasining.org

Locations of visitors to this page