Filipino >>
Ang kakaibang obra ni Amangpintor


“PAWIS at dugo” ang puhunan ng mga alagad ng sining sa paglikha ng kanilang obra. Pinaghihirapan at ginugugulan ng oras upang maisakatuparan ang kanilang bisyon at matiyak ang natatanging kagandahan ng kanilang likha.

Ang pintor na si Elito Villaflor Circa, tubong Nueva Ecija, ay may kakaibang atake sa kanyang sining: bukod sa tiyaga at husay, mismong dugo niya ang ginagamit niyang pintura at buhok niya ang kaniyang brotsa.

Naniniwala si Circa, na kilala rin sa bansag na Amangpintor, na ang isang alagad ng sining ay dapat magkaroon ng pilosopiyang gagabay sa paglikha niya ng mga obra, maliban sa kanyang talento. Isa sa kaniyang mga paniniwala na ang pagsasakripisyo ay isang mataas na antas ng pag-ibig, at naipamamalas niya rin ito sa pamamagitan ng paggamit ng kaniyang sariling dugo at buhok upang makalikha ng obra-maestra.

Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng kaniyang mga likha, nais din nito na mabago ang pananaw ng marami tungkol sa buhay at kamatayan.

“Gusto kong baguhin ang pananaw na ang kahulugan ng dugo ay kamatayan. Kung matatanggap ng mga tao na ang dugo ay buhay at pag-ibig, hindi sila matatakot na tumulong sa mga biktima ng mga aksidente at mag-donate ng dugo at makasagip ng buhay,” pahayag ng 48 na taong gulang na pintor na naka-base sa Lungsod ng San Jose, Nueva Ecija.

Dagdag ni Amangpintor, na kinikilala ang husay di lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa, na ang kamatayan ay hindi katapusan ng buhay kundi pagsisimula lamang ng panibagong yugto nito.

“Naniniwala ako sa reincarnation. Mahalagang makapag-iwan ka ng legacy dito sa kasalukuyang buhay para sa susunod mong buhay, kapag nakita mo ang bagay na iyon, malalaman mo na sa iyo yun. Makakaramdam ka ng lukso ng dugo,” aniya.

Mga ambag sa sining

Kabilang sa mga blood paintings ni Circa ay ang mga montage nina Pangulong Rodrigo Duterte at boxing champion at senador Manny Pacquiao, na naging viral sa social media at ibinida sa iba’t-ibang malalaking broadcast at print media outlets sa bansa. Bukod sa kaniyang mga paintings, si Circa din ang may akda ng “Alamat ni Minggan”, isang kwentong bayan ng Pantabangan, kung saan lumaki ang naturang pintor.

Dahil sa kaniyang mga ambag sa larangan ng sining, siya ay kinilala ng National Commission for Culture and the Arts bilang unang Pinoy na hair and blood painter noong 2009. Tumanggap din siya ng “Gintong Butil” award mula sa Central Luzon State University Alumni Association, Inc., taong 2010. Kasama rin si Circa sa mga nagtatag ng Samahang Makasining, Inc. (Artist Club) at nagsilbi bilang board chairman nito sa loob ng pitong taon. Nagsilbi rin siya bilang tourism adviser ng Lokal na Pamahalaan ng Pantabangan.

Kamakailan din ay ipinamalas niya ang husay ng hand painting performance kasabay ng pagtugtog ng mga tanyag na local music artists sa isang charity event para kay OPM icon Freddie Aguilar, na nasunugan ng bahay nitong Enero 2018.

Ang inspirasyon sa likod ng natatanging talento

Ang pagpipinta ni Circa gamit ang kaniyang sari-ling dugo ay tila simbolo din ng pagsusumikap sa buhay upang makamit ang isang pangarap, sa kabila ng mga hadlang na dala ng kahirapan. Ikinuwento ng tanyag na pintor na ang kaniyang tatay, na isang karpintero, ang pinakauna niyang inspirasyon sa si-ning. Aniya, iginagawa siya nito noon ng mga laruang kotse gamit ang lata at plastik na bote. Nagsimula ang hilig niya sa pagpinta noong siya ay limang taong gulang, ngunit hindi kayang bumili ng kaniyang mga magulang ng mga kagamitan sa pagpinta noon. Hindi naman nagpapigil ang batang Elito: umisip at humanap siya ng iba’t-ibang mga paraan upang makapagpinta gamit ang uling, dagta ng mga puno, katas ng mga prutas, kaniyang sariling dugo bilang mga pangkulay at pinagkukumpol niya ang mga hibla ng kanyang buhok para maging paintbrush. Sa paglipas ng panahon, kaniyang nalinang ang kaniyang kakayahan at unti-unting naging tanyag kahit wala siyang pormal na edukasyon sa pagpipinta.

Sa kabila ng kaniyang mga tagumpay sa kaniyang larangan, hindi nakalilimot si Amangpintor na magpasalamat at magbahagi ng ka-nyang talento sa pamayanan. Nagsasagawa si Circa ng libreng art workshops at namamahagi ng mga kagamitan sa pagpipinta sa mga kabataan sa mga mahihirap at malalayong mga komunidad sa Nueva Ecija, kaagapay ang kaniyang mga kapwa pintor, mga kasamahan sa Rotary Club of San Jose Golden Harvest, at iba pang mga organisasyon, upang hikayatin ang mga bata na ilabas ang kanilang pagiging malikhain at upang maisa-puso at isip ng susunod na henerasyon ang pagpapahalaga sa sining.

“May sining sa lahat ng bagay. Ang paghanga sa si-ning ay makapagpapabuti sa isang tao. Kung mayroon kang malawak na unawa sa sining, magkakaroon ka ng mas maganda at mas malalim na pag-unawa sa mundo. Kung nauunawaan mo ang mga bagay na walang buhay, mas lalo mong mauunawaan ang kapwa mo na buhay,” wika ni Circa.



See more Features



SAMAHANG MAKASINING(Artist Club), INC.
San Jose City, Nueva Ecija, Philippines
my email: amangpintor@yahoo.com
webiste: http://www.makasining.org

Locations of visitors to this page