Filipino >>
LUKSO NG DUGO: Ang buhay at tagumpay ni Amangpintor
(by Lyn H. Lastemosa  5/18/2014)


Araw – araw tuwing umaga suot ang polong puti, pantalon na puti, at dala ang dedikasyon sa aking puso, tinatahak ko ang landas na pinili. Hindi ako nurse, isa akong Medical Technology student. Trabaho namin ang pagkuha ng dugo sa pasyente upang e-eksamin ito sa laboratoryo. Kaya’t napakalaking parte ng dugo sa propesyon namin at siya ring sumisimbolo sa amin. Bukod sa ang dugo ang natatanging pluidong biyolohikal na patuloy na bumubuhay sa ating pisikal na katawan, may iba pa palang kahalagahan ang dugo sa ibang tao. Ang pananaw kong ito ay nagbago simula ng makilala ko ang isang tao na may kakaibang persepsyon sa buhay.

Nagkaroon ako ng pagkakataon na makapanayam ang isang sikat na pintor hindi lamang sa Nueva Ecija kundi maging sa buong Pilipinas siya si Elito V.Circa o mas kilala bilang “Amangpintor” sa kanilang bayan sa Pantabangan. Nakilala siya dahil sa paggamit ng kakaibang istilo sa pagpipinta. Nananalaytay na sa dugo ni Amangpintor ang pagmamahal sa sining kaya’t literal na dugo niya mismo ang kanyang ginagamit sa pagbuo ng kakaibang obra maestro.

“Noong bata ako, lagi akong napapalo dahil mahilig akong mag–drawing sa dingding ng bahay naming gamit yung uling namin sa kalan. Gumagamit din ako ng katas ng dahon, kamatis o kaya ay duhat, toyo (Soy sauce), ikukulay ko sa punda ng unan ko lahat… pati sa damit ko. Pinag–e–eksperimentuhan ko.”

Natatawang bahagi sa amin ni Amangpintor ang kanyang karanasan noong siya ay bata pa lamang kung saan nagsimula ang interes niya sa paggamit ng mga alternatibong mga material bilang midyum sa pagguhit. Ipinaliwanag niya, sa pag-e-eksperimento o self-discovery nagsisimula ang lahat kaya’t kahit sa murang edad ay naging malikot ang kanyang isip sa pag-asam na makalikha ng obra. Nagka-intres siya rito dahil na rin sa kanyang ama kapag nakikita niya itong gumuguhit.

“yung kahirapan na dinanas siguro naming mga taga-Pantabangan ang nag-trigger sa akin para mailabas ng sama ng loob sa pamamagitan ng art at pagsulat…’

Nagkaroon ng malaking pagbabago sa ekonomiya at pamumuhay ng mga tao sa Pantabangan simula nang naipasa ang Upper Pampanga River Project Act (Republic Act 5499) na naglalayon ng pagpapagawa ng Pantabangan dam na siyang proyekto na pinangunahan ng dating pangulong Ferdinand E. Marcos noong 1970s. Mahigit 8100 ektarya ng bukirin ang lumubog at ilang barangay ang sobrang naapektuhan dahil dito. Hindi alam ng mga tao ang kahaharaping kinabukasan dahil wala na silang mapagkukuhan ng ikabubuhay noong mga panahong iyon, naging malaking pagsasakripisyo ang kanilang dinanas para sa pagtago ng ekonomiya ng bansa.

Sa pagsasalaysay ni Amangpintor, sa sobrang laki ng pinsala sa kanila ng ginawang pagbabago. Helicopter pa ang naghahatid at naghuhulog ng mga pagkain sa kanila at kung walang rasyon ang gobyerno ay wala silang kakainin. Taong 1973 lumipat ang pamilya ni Amangpintor sa bayan. Swerteng siya ay naipasok sa World Vision Inc. at nakapag-aral ng libre. Siya ay nagkaroon ng Sponsor mula sa Australia na sina Cynthia at Leigh Brown na siyang tumulong sa kanya hanggang siya ay makarating ng sekondarya at magtapos sa Central Luzon State University na may degree ng Elementary Education.

Bago kami nagtungo upang makipanayam kay Amangpintor, naikuwento ako sa aking mga kaibigan ang kaunti kong nalalaman tungkol sa kanya, ang iba ay namangha at nanlaki ang mga mata ng aking sinabi na sariling dugo at buhok ang kanyang ginagamit sa pagpinta. Ngunit sa aking sitwasyon noong una kong nalaman ang kanyang midyum sa sining, imbis na mamangha o mamintas, isang salita ang umiikot sa aking isipan ang tanong “Bakit?” bakit nga ba ito ang ginagamit ni Amangpintor? Ano nga ba ang interpretasyon at simbolismo nito sa kanyang buhay?

Nangingiting ikinuwento sa amin ni Amangpintor kung saan nagimula ang lahat. Bata pa lamang siya, dahil na rin sa kahirapan, ay wala siyang sapat na materyales sa pagguhit. Kaya’t lubos na lamang ang kanyang kasiyahan kapag umuuwi ang kanyang karpinterong ama na may uwing mga sobrang pintura. Ang brush na kanyang ginagamit sa pagpinta ay ginagawa ng kanyang ama mula sa ginupit na buhok na iniipit sa sirang lata o elemento ng antenna ng telebisyon. Aniya, hindi hadlang ang kahirapan para matuto sa sining. Wala mang pormal edukasyon sa Art, pinatunayan ni Amangpintor na sa sariling pagsisikap at dedikasyon ay maaari mo na itong magawa.

Ikinuwento pa ni Amangpintor na kapag siya ay nagpipinta gamit ang kanyang buhok, may naiiwan pang mga hibla nito kaya’t isa-isa pa niya itong tinatanggal. Ngunit naglaon, ng siya ay nasa kolehiyo na, napag-alaman niyang maaari niya pala itong gamitin bilang sarili niyang tatak. Ginamit niya ng sarili niyang buhok sa iba pa niyang mga obra na siyang nagdagdag ng kakaibang istilo dito.

“yung litanyang pabiro ng mga Pilipino na lukso raw ng dugo, ginamit ko ‘yun sa mga paintings ko dahil baka sakaling matandaan ko yung mga gawa ko kapag na-reincarnate ako, masasabi ko sa sarili ko na akin itong painting na ito..”

Ayon kay Amangpintor, ang buhay ng tao ay parang bilog, wala itong katapusan. Namamatay lamang sa atin ay ang pisikal na katawan at kaluluwa ngunit ang ating espirito ay patuloy na naglalakbay. Gustong patunayan ni Amangpintor na siya ay magbabalik sa mundo kaya’t pumasok sa isip niya na gamitin ang kanyang dugo, simbolo ng kanyang buhay sa pagpi-pinta.

“sabi ko sa sarili ko gagawa ako ng painting na magiging history sa bayan sa university namin, pero hindi ko alam na aabot ‘yon na magiging history ito ng bansa.”

Isa sa kauna-unahang pininta ni Amangpintor gamit ang kanyang dugo at usok mula sa kandila ay ang kaniyang self-portrait na pinangalanan niyang “Erose” noong 1992 at siya ay ginawaran bilang “Artist of the Year”. Sa kanyang pagsasalaysay, mismong bisperas ng Art Exhibit sa kanilang paaralan, ay pumasok sa isip ni Amangpintor ang paglikha ng kakaibang obra maestro. Nagtanong pa siya sa isang doctor kung maaari siyang kuhanan ng dugo para sa gagamitin niyang obra, ngunit hindi pumayag ang doctor dito. Kaya’t napagdesisiyunan niya na magkulong sa isang silid habang may nakabantay sa labas ay ginawa niya ang isang sining na nagpabago sa kanyang buhay. Gamit ang cutter ay sinimulan niyang paduguin ang dulo ng kanyang mga daliri sa kamay at maging sa paa. Madaling araw na ng matagpuan siya ng kanyang mga kasamahan na hinang-hina ngunit tumatak sa kanila ang kanyang obra na kanyang tinapos. Naging usap-usapan sa unibersidad ang kanyang unang painting na buhat sa kanyang sariling dugo.

Inamin ni Amangpintor na takot siyang malaman ng iba na gumagamit siya ng dugo bilang midyum sa kanyang pagpipinta dahil noong una, takot siyang mapagsabihan na siya nasisiran na o natitimang. Ngunit hindi naglaon, pumutok sa media ang balita ng kanyang istilo. Marami man ang humamak sa kanya, ay pinanghawakan pa rin niya ang paninindigan at pagmamahal sa kanyang sariling sining.

Nasundan pa ang kanyang mga gawa ng limang serye ng obra na binansagan niyang Lukso ng Dugo. Maging ang portrait ng kanyang pamilya ay iginuhit niya gamit ang dugo na sumisimbolo sa kanyang pagmamahal.

Nakilala rin si Amangpintor sa pagpinta ng labinlimang serye na nagku-kwento sa istorya ng pagibig ni Minggan kay Mariang Sinukun na siyang sumisimbolo sa kasaysayan ng Pantabangan sa kasalukuyan ay mayroon siyang tinatapos na tatlong serye na nagpapahayag ng kasaysayan ng Pantabangan gamit pa rin ang sariling dugo.

Sa paglipas ng panahon, at dahil kailangan na ding mag-ingat sa kanyang kalusugan para sa kanyang pamilya, imbis na gumamit ng cutter ay gumagamit na siya ng needle prick sa pagkuha ng kanyang dugo.

Sunod-sunod ang naging paglabas niya sa mga documentaries at interviews sa telebisyon. Patunay lamang na nagkaroon ng malaking ambag ang kanyang mga gawa sa larangan ng sining. Ipinasa rin niya sa kanyang mga anak ang pagkakaroon ng interes sa arts at pagiging malikhain. Tulad ng ginawa sa kanya ng kanyang mga magulang, hinayaan niya ang mga ito na diskubrehin ang kanilang natatanging talento.

Sa pagtingin at pagsalat ko sa bawat canvas na kanyang ibinahagi sa amin, ay waring nasalat ko ang litrato ng isang muntng bata na naghahangad na magkaroon ng pagkakakilanlan sa mundo ng sining. Hindi na nakapagtataka na sa bawat obra niya ay mayroon siyang parte doon ng kanyang pagkatao na tanging siya lamang ang maaaring umangkin. Tatak ng isang Amangpintor na kahit kailanman ay hindi magagaya ng iba. Nagmistulang DNA niya ang kanyang mga obra, na sumisimbolo sa dugo ng pagkatao hindi lamang sa pisikal niyang katawan, maging sa kanyang espiritu at kaluluwa.

“Kailan mo ba malalaman kung tunay ang pagmamahal? Siyempre sa pagsasakripisyo. ‘Di ba kung mahal mo ang isang tao ay magagawa mong magsakripisyo sa kanya? ‘yung dugo ko kapag nagpipinta ako, kasama ‘nun ang pagmamahal at pagsasakripisyo sa bayan.”

Pinapatunayan rin niya na ang mga bagay ay nakikipag-ugnayan sa ating mga tao, mga lugar, at lahat ng likha ng Diyos. "Ang Sining ay ang pinakamataas na antas ng pakikipag-ugnayan at pakikipag-usap sa lahat ng bagay"

Tulad ng ating pamilya, mararamdaman mo ang presensya nila kahit nakasara ang iyong mga mata, dahil nakatatak na sa espiritu at pisikal na katawan natin na tayo ay parte nila, at sila ay parte na rin ng ating pagkatao – lukso ng dugo. Maaari din itong mangyari sa mga materyal na bagay o sitwasyon sa buhay, naniniwala akong lahat ng bagay at sitwasyon na nagaganap ay may dahilan at may parte sa pangyayari, maliit man ito o malaki. Tulad ng sinbi ni Amangpintor na may paniniwalang tayo ay muling mabubuhay at mare-reincarnate, dapat ngayon pa lamang ay gumagawa na tayo ng mga bagay na magpapa-alala sa atin ng mga bagay na sariling atin, na masasabi natin na ito ay may tatak ng ating nakaraan. Para kung sakaling tayo ay pumanaw at muling tumuntong sa mundo kahit sa lukso lamang ng dugo, ay maalala natin na kahit minsan ay may ginawa tayong kontribusyon na tumatak sa puso at isip ng mga tao.

Source: Eka Genre
Edited by: Rhounee Ron Kevin D. Frany
Photo by: Rolando C. Iniwan Jr.



See more Articles



SAMAHANG MAKASINING(Artist Club), INC.
San Jose City, Nueva Ecija, Philippines
my email: amangpintor@yahoo.com
webiste: http://www.makasining.org

Locations of visitors to this page