|
|
Bahagdan
(by Amangpintor 6/20/2017)
|
Bawat dekada masasabi kong bahagdan ng aking buhay mula 1970, 80s, 90s hanggang 2017. Di ko na mahimay ang sakripisyo at karanasan bilang isang alagad ng sining sa mga bahagdang nilakaran ko.
May mga apakan ng hagdan na hanggat maaari ay iwasan ko, ito yung panahon na nabubuhay pa ang aking kapatid (Resty) na nalulong sa droga at naunang pinanawan ng kaluluwa (isip), tanging naiwan ang katawan at Espiritu (Damdamin). Sa paglipas ng ilang dekada ng pagiging walang pag-iisip pinanawan na rin ng katawan at naglakbay na ang Espiritu.
May mga bahagdan naman na halos ayoko nang lisanin dahil masaya na ako doon. lahat tayo nayapakan yon, ang pagkabata. Sabi ng lolo ko marahan lang dapat ang pagyabag sa hagdanan para hindi madulas at lumagapak na maging sanhi ng muling pagsisimula.
Sabi naman ng iba, pagdukwang ang paraan upang mabilis na marating, pero parang kulang ang pagiging tao kung gayon dahil batid ko na na bawat bahagdan ay kinapupulutan ng tibay ng pagiging tayo.
Sa mga nakaraang taon at buwan, katuwaan ko na ang magbahagi at magpakita ng aktong pagpipinta lalo na sa mga bata sa mga liblib na lugar. Lahat sila nakangiti, bukas ang isip, damdamin at mga mata. Iyon na lamang ang makulay na karanasan maipapamana ko sa kanila. Kahit na nakalipas ang ilang dekada maaalala pa nila dahil sa mga larawan at pintang iniwan ko sa kanila. Ang bahagdan nga naman ng buhay, makulay.
Naaalala ko tuloy noong kabataan ko, tuwang-tuwa ako na pinagmamasdan ang naiwan kong yabag sa aming hagdanang narra. Nilalagyan ko kasi ng pintura na may ibat-ibang kulay ang talampakan ko at papanhik, na kahit nasa taas na ako kitang-kita ko pa ang mga yabag na yon na lumulutang pa ang mga kulay. (galit na naman si ina, "bat mo na naman kinulayan yan, kalilinis ko lang ng pader, kumot at punda ng unan na pinintahan mo")
Payo ko nga sa mga Makasing, basta tuloy lang sumayaw, lumikha ng awit, sumulat at magpinta para sa bawat bahagdan ng ating buhay ay may maiiwanang yabag na makulay, na kadahilanan ng pagpapaunlad ng kamalayan ng nilalang para sa Maykapal.
|
See more Articles
|
SAMAHANG MAKASINING(Artist Club), INC.
San Jose City, Nueva Ecija, Philippines
my email: amangpintor@yahoo.com
webiste: http://www.makasining.org
|
|
|
|
|