Paalam sa ngayong panahon (Alay kay Tata)
ni Elito V. Circa
(Disyembre 14, 2001, Araw ng kamatayan ni Tata)
Tata… Kasa-kasama ko mula sa aking pagkabata.
Tata… Kala-kalaro ko mula ng ako’y bata.
Tata… Dakilang guro ko sa sining.
Tingkad ng kulay mo’y hindi mapapantayan ng aking mga gawang sining.
Lambing mo ang kapangyarihang humubog sa damdamin ko upang maging makasining.
Papuri mo sa mga gawa kong larawang sining ang nagturo upang ako ay lumipad sa dako ng sining.
Kamay mo ang gumawa ng daan ng aking lalakaran sa lalim ng buhay.
Huwag ka sanang manghinayang sa mga bagay na hindi mo natapos dito sa mundo dahil naging makabuluhan ang buhay mo bilang ama at guro sa akin.
Makabuluhan ang buhay mo dahil sa mga gawa mong lamparang tumatanglaw sa kamulatan ng iba sa kahalagahan ng inimulat mong sining sa akin.
Mahalaga ang buhay mo dahil sa mga balde at timba na gawa mo na inspirasyon sa pag-ibig ng buhay ko.
Dakila ang buhay mo dahil sa hininang mo ang aking pagkatao upang arukin ang buhay sining.
Sining ang buhay mo dahil sa pagpapahalaga mo sa iyong mga gawa at pagpapahalaga sa aking mga gawang sining.
Sana sa muli mong buhay at muli kong buhay sa iisang daigdig ikaw naman ang aking maging anak upang madama ninyo ang aking pagmamahal na bunga ng wagas ninyong pag-ibig.
TATA… Paalam sa ngayong buhay, paalam sa ngayong panahon.
(Namatayan – malaking rason para umuwi)