Pag-ibig ni Minggan
ni Elito V. Circa
Pag-ibig ba ay masusukat ng isang pagsubok? Pag-ibig ba ay pagsasakrepisyo? Katanungang maraming kasagutan. Minggan - sakim man sa pagmamahal, nagagawa dahil sa tindi ng pag-ibig. Kagustuhang puso ni Maria tanging sa kanya lamang.
Minggan, pigilin sana ang kaisipang mabilis upang bawat gagawin ay tama sa paningin ni Maria.
Minggan, di solusyon ang pag-iisip ng sariling kamatayan upang mabuhos lamang lahat ng pagmamahal ni Maria.
Minggan, isipin mo ang mga sisiw na malulunod dahil kapangyarihan ng pagibig mong sakim at pag-ibig ni Mariang naglalaho.
Maria, sana’y huwag sukuan ang isang higante na ang pag-iisip ay lito at lumilipad habang nagbubuhat ng mga bato at sa mga gawaing kabi-kabila.
Maria, ano ang mapapala kung susuko sa buhay na nasa gitna ng ilog Pantabangan na pamumuhay.
Maria, sungit ng panahon ay siyang magtataboy kay Minggan sa ikalulugmok, pagkabingi at pagkabulag sa mga katuwirang tama sa paningin mo at kahit sa tamang katuwiran sa paningin ng iba.
Hahayaan na lang ba nating panahon ang magsasabing di kayo pwedeng pag-isahin, dahil mas makapangyarihan ka Minggan dahil sa pag-ibig mo o mas makapangyarihan ka Maria dahil sa marunong kang titingin sa pagkatao at kamalian.
Isasarado na ba ninyo ang Dambuhalang sara at tuluyang lunurin ang mga sisiw na walang muwang? Kung magkaganoon ay itatakwil kayo ng mga sisiw na naligtas ng sariling pakpak. Pupurihin naman kayo ng mga bagong sibol na sisiw na naliligo at tumutuka ng pagkaing nagmumula sa ginawa ninyong ilog na sukatan ng pag-ibig.
Pag-isip isipan.....Minggan, Maria..