SAGANANG BUHAY SA PANTABANGANGinawa: Oktobre 22, 2004 ni Amangpintor
Umaambon pa noon, kasama ng mga parakyut na may mga delata at mga nakasupot na durog na mais, ibinabagsak ng mga helikopter ng gobyerno, maraming nag-aabang pero walang nag-uunahan. Hating-kapatid sa mga nasalong rasyon. Tatlong-taon na noon mula ng naglipatan sa bagong bayan mula sa pinalubog na bayan.
Kapiranggot na kaingin ang kapalit ng bukid na malawak na nilamon ng tubig para gawing dambuhalang ilog. Dahil palay ang nakasanayan nang buhay noon, palay din ang itinatanim sa sahod-ulang kaingin, na sinasamahan rin ng mais at mga gulay.
Iisang black & white na National TV sa baryo, dinarayo ng mga manunuod, kapit-bahay, kabarangay at ibang galing pa sa kalapit baryo. Pagpasok sa loob ng bahay dala pa rin ang tsinelas na naka lagay sa magkabilang braso. Ang iba ay sutil at namimitik ng tainga habang nanunuod, pulasan na pagpinatay na ang TV.
Tuwing tanghali rin puno ang tindahan ni aleng Beni sa Malbang ng mga makikinig ng Simatar at Tagani sa radio, makikinig muna bago bumagtas sa kalahating oras na paglalakad patungo sa paaralan, ang Saint Andrew’s School. Nakaupo sa upuang gawa sa kawayan sa magkabilang pader ng tindahan.
Nauso ang beta max, ginawang hanap buhay ng ilan, sengko kada pelikula, dinarayo ng mga karatig barangay ang nag-iisang panuuran sa Bocanegra, proud ang nanood paglabas, nakataas-nuo pa sa paglabas.
Samasamang nanunood at nakikinig kaya totoong magkakakilala ang lahat. Lahat napapalingon kapag may bagong salta o hindi taga-roon. Kilala agad kung hindi kabagang o hindi nag-“aanta”, dayuhan!.
Pati panliligaw doon mahirap, “@ Abat sino ka utoy?”, “#Resty po, manliligaw po sana sa anak ninyo”, “@ sino mga magulang mo?” “# si Juan po at Pinang Circa”, “@ adyu ay, hindi tayo iba-iba sa Villaflor, si apo mong Betong at lola namin ay magpinsang makalwa, si apo mo namang Andres ay pamangkin ng lola namin…bla, bla, bla”. 70% yata doon na mag-asawa magkakamag-anak, kaya marami doon patago at kadalasan nauuwi sa tanan. Pagminalas ka pa, babawiin pa ang kasintahan na mauuwi sa pagkabuwang.
“aleng ason, aamot daw ng tatlong gatang na bigas, ibabalik daw sa linggo”
“aleng ason, ipapalit daw ng bagoong ang isang gatang na bigas”
“ipapalit nga po daw ng isang gatang na bigas ito isda”
isang bunggos na buho, kapalit ng kalahating sakong bigas.
Pagdumating na si tata mula sa pangingisda, parang pistahan sa bahay, kilokiluhan at nagpapamigay pa ng mga sobrang isda sa mga kapit bahay. Tumatagal ng isang linggo ang pinindang na isda, isang linggong ulam na rin. Hapon na kung dumating si Tata, kaya ginagabi na sa paglalako ng isda sa buong baryo sunong ang bilao na may isda, hipon, gurami at bunod na naka lagay sa dahon ng saging. Sa pagbalik, kundi pera ang dala, bigas o pagsiniswerte daw may dala pang bagong radyo na kapalit.
Sa madaling araw naman, ang pagtitinda ng gulay na mula pa sa kaingin ang inaasikaso. Alas 3 palang ng madaling araw sumusuba na si tang Max. Alas 5, nagsisimula nang itinda na iikot sa karatig baryo, 7 ng umaga tamangtama para naman pumasok sa elementatyang paaralan.
Rasyon, sa gusali ng DAR ginaganap, isang supot na arina, durog na mais, klim at mga palaman na nasa lata ang madalas na inaabangan.
Satisfy na ang tao noon, nong hindi pauso ang mga makabagong teknolohiya. Bihira ang nakawan dahil siguro sa mga sempleng pangarap at mga sempleng pangangailangan.
Sapa o batisan sa ibaba ng bagong simenteryo na pinagkukuhanan ng bayog para gawing sulpak, malinaw ang tubig at may mga matataas na falls, ito ay masasabing paraiso sa ganda. Lahat ng taga-baryo ng malbang doon umiigib, medyu may kaduliman sa loob dahil napapaligiran ito mga punong kahoy, baging, kawayan, tila nasa ilalim ng lupa na may malawak na batisan sa loob. Habang naglalaba ang mga nanay, ang mga bata naman ay nagtatampisaw sa dumadaloy na tubig, Masarap maglaro doon ng bangka bangkaan na gawa sa pulbo ng Jhonson na hinati sa gitna at nilagyan pa ng latang nilukot na naging upuan ng mga batong tau-tauhan. Pero mas mabilis yung bangka na dahon ng kaymito na nilagyan ng ajax na sabon sa dulo ng dahon, kumakamot sa bilis tila dimotor.
Ang batisan ng Malbang, naglaho sa katagalan, di ko alam kung sa dami ng mga nangunguha ng bayog para gawing sulpak o dahil sa sunog. Sayang nga at hindi na inabutan ng mga kasalukuyang kabataan.
Tama, sunog sa bundok ng malbang sa gawing sapa ang dahilan. Palibhasa virgin forest pa noon sa gawi ng malbang kaya mahirap apulain ang apoy, nadilaan pa nga ng apoy ang kusina ng aming katapat na kapitbahay. Taranta ang mga taga-block 2 sa pag aapula ng apoy, karamihan mga makakapal na kumot pa ang ginamit, mga sako na ipinabad sa tubig at mga sanga ng mga halaman na namumutiktik sa dahon.
Baril-barilan na gawa sa saha ng saging ang laging kapiling, palibhasa di pa uso noon ang plastik na laruan na galing ng Taiwan o China kaya sariling sikap ang mga bata noon na gumawa ng mga laruan na mula sa mga bagay-bagay na makikita sa paligid. Pagmedyo masining ka pa noon sa paggawa ng baril-barilang saha ng saging talagang kakagulatan pa nila ng desinyo ng ginawa.
Si tata gumawa ng ibong gawa sa lata, sixbay na gawa sa kahoy, roweda na gawa sa lata. Pinagtityagaang bordahin ng matulis na pako ang lata at salabin ang kahoy na may latang binutas-desinyo.
Pagsapit ng pasko naman daladala na ang bag na tinahi na mula sa sako, at lahat ng kamag-anak ay pupuntahan at pagmamanuhan, “mano po”, “pasok ka, may lalagyan ka ba ng bigas”. “Ito po”, “o pagdamutan mo muna itong dalawang gatang na bigas” Arina, nilagyan ng beking at ginawang hotcake ang minsan na handa.
Kaunting kapilyuhan ng mga binata - Sinulid na tali na itinali sa magkabilang puno sa karsada, nilagyan ng tae ng kalabaw na sa bawat daraan biktima ng tae sa sinulid. “ano ito, mabaho”. Tawanan na ang mga pilyung bata.
kapag ikaw ay may kalabaw, ikaw na sa tingin ng karamihan ang pinaka mayaman at ang creative na tao noong panahong yon ay kakaiba at tinitingala.
Peace time daw noon, katatapos ng pandaigdigang giyera. Kaya halos lahat nagdadamayan. Malaki na ang pinagkaiba ngayon, kabaligtaran ng nakaraan. Kailangan ba uli ng giyera ngayon para bumalik ang dating masaganang buhay?
(paalala: tingnan sa diksyonaryo ng Pantabangan ang mga hindi maiintindihang salita, pindutin ito..)