Filipino >>
Agos buhay, Agos biyayang pag-ibig ni Minggan
Tubig ng buhay: Sukatan ng pag-ibig at pagsasakripisyo
(Stage Play Script - 01/22/2002)
(Isinulat nina Elito V. Circa & Teresita Circa)

ERMITANYO
Ang panahon ay nangungusap sa ating mga tao, marahil sa pamamagitan ng isang panaginip o kwentong di alam kung saan nagmula, ngunit nagpapahiwatig ng mga mangyayari sa susunod na panahon.

mga ilang ilongot na tumatakbo at tumutugis ng isang lalaking "Kastila" sa kagubatan. Inabutan nila ito at dali-daling pinugutan ng ulo. Ipinasa-pasa ang pugot na ulo sa mga batang kanilang mga anak..

TRIBO
Pugot na
mabuhay ang ating lahi!
Mabuhay si Putsigang!

PUTSIGANG
Elyat huwag kang papasakop sa dayuhang mapuputlang lahi, kakamkamin nila ang mga lupaing minana pa natin sa ating mga ninuno. Pati kaluluwa ng ating paniniwala ay maglalaho.

ELYAT
ako'y wala nang magagawa dahil sa laganap na ang kanilang kapangyarihan sa ugat at isip ng kabataan. Ang makamandag nilang relihiyon ay gumapang na sa mga ugat ng ating mga tribo at ibang angkan. Napapaligiran na rin ako.

PUTSIGANG
Magagalit ang ating mga anito, magngangalit at magigising si Minggan sa ginagawa ninyo. Lilisan kami sa lugar na ito at mamumundok baka pati kami madamay sa galit ni Minggan. Pinapaalalahanan ko lang kayo, huwag ninyong hayaang dugo sa dugo natin ang magtalo sa mga paniniwala relihiyon. Hindi natin mapipigilan ang labanan ng ating angkan sa susunod na henerasyon dahil sa pakikialam ng banyagang anito. Tayo na mga kasama.

ERMITANYO
Lumipas ang maraming taun at ang alamat ay nagising at bumangon.

Nauuhaw si Minggan kung kaya dalidali itong bumaba sa batis upang uminom. Sumalok ng tubig si Minggan sa pamamagitan ng magkadaup-palad, nagulat ito sa panyong sumalibay sa kanyang mga palad. Itinuon ang tingin ng binata sa gawing taas ng batis at nakita niya ang isang magandang babaeng naglalaba nakasuot ng manipis na damit na kulay puti. Nilapitan niya ito upang iabot ang panyo. Subalit ng nasulyapan siya nito, dali-daling tumayo at tumakbo. Hinabol niya ito at sinabat sa bungad ng gubat. Huminto ang babae na mamataan ng takot habang nakatingin na walang kurap sa lalaki. Unti-unting lumapit si Minggan habang iniaabot ang panyo sa babae. Humahakbang patalikod ang babae habang yumuyukod ang ulo parang tatanggapin nalang kung ano ang kakahantungan ng kapalaran.


MINGGAN
Anong pangalan mo?
(Di sumagot ang babae sa unang tanong kung kaya inulit ni Minggan ang tanong)
Pwede malaman ang pangalan mo binibini?

MARIA
Ma, Maria
(may nginig na boses ng babae)

MINGGAN
Di ako masamang tao, ako'y mapagkakatiwalaan at tapat kung umibig?

MARIA
Ilongot ka, baka pugutan mo ako


MINGGAN
Di lahat ng ilongot ay namumugot, pero kaya nagagawa yon ay sa dahilang pagkamkam ng Kristyano sa aming lupa at itinataboy kami sa kabundukan

MARIA
Di po namin kasalanan yon, kami'y alipin lang ng dayuhang kultura
Diyan na kayo, baka hinahanap na ako ng aking magulang

MINGGAN
Sandali.. (wikang habol ni Minggan)
Saan ka nakatira? Saan kita muling makikita?

MARIA
Sa gitnang lugar nitong Arayat

MINGGAN
Hahanapin kitang muli.. Maria (pabulong na wika ni Minggan.)
Kaibig-ibig ang boses mong malambing at ang iyong mga matang nanunuot sa aking puso

ERMITANYO
Ilang buwan ang lumipas at muling naghanap ang binatang magngingibig
(dala nito ang salayrayang puno ng mga pagkaing abutan man ng kung ilang araw)

MINGGAN
Maria, ipagpatawad mo ang muli kong pagparito

MARIA
Bakit Minggan, Bakit ka naririto?

MINGGAN
Tanggapin mo ang bulaklak na ito tanda ng aking pag-ibig. Sabihin mo lang kung ano ang maipaglilingkod ko sa iyo upang ako ay iyong mahalin

MARIA
Iba ang kultura mo sa kultura ko at sa tingin ko mahirap pagsamahin

MINGGAN
Maria.. Kultura mo man ay sumasabay sa panahon, kultura ko kahit pinag-iiwanan ng panahon ay pag-ibig ko naman sa iyo ang sasabay sa panahon mo

MARIA
Kung gayon Minggan maaari ba kitang subukan?
Kung matatapos mong masarhan ang tubig sa sapa ng Makukulnay bago tumilaok ang manok sa madaling araw, mapapasaiyo ang pag-ibig ko.


Dali-daling naghakot ng mga bato ang higanteng si Minggan upang ipang tabon sa sapa, malakas ang ulan at hangin habang ginagawa ang sara
.
("PANAGHOY NG BAYAN" Samasamang pagbigkas habang lumilikas sa bayan nalulunod)




Tumilaok ang manok bago matapos ni Minggan ang sara ng sapa.

MANOK
ok! aaokkkkkk! Hudyat ng pagkabigo ni Minggan

MINGGAN
Hindiiiiii!, naglulumong hiyaw ng higante.


Lumisan si Minggan naka yukod, malungkot dala ang salay. Tila mas mabigat ang hangin na nakalagay sa salay niya ngayon kaysa sa mga malalaking batong itinabon niya sa sapa.

Nagmumunimuni naman si Maria habang tinitingnan papalayo si Minggan.

MARIA
Patawad Minggan sa sadya kung pagpapatilaok ng manok, di pa panahon na mapasaiyo ang pag-ibig ko. Natatakot akong malunod ang mga kalabaw na mahimbing na natutulog sa sapa. hayaan mo kapag nasa tamang panahon na tayo muli kitang bibigyan ng pagkakataon.
(Umuwi si Maria may bahid ng paghihinayang)

ERMITANYO
Nakalipas ang ilang panahon, muling nagbalik si Minggan hindi upang hanapin si Maria kundi upang tapusin ang malaking sara sa sapa. Inilipat nito ang krus sa parting taas, gayon din ang mga hayop na maaaring malunod.
Pagbibigay-tubig ang paraan ni Minggan upang maipakita ang dalisay na pag-ibig niya sa dalaga ng kapatagan na si Mariang Sinukuan. Pagsasakripisyo at paghihirap alang-alang sa minamahal.

MINGGAN
Maria, Sana'y ikatuwa mo ang pagtapos ko ng sara at tanggapin mo ang alaala ng aking pag-ibig, at alam kong makakatulong ito sa iyong mga halaman at mga pananim

ERMITANYO
Minggan, pahahalagahan kaya ang pagsasakripisyo mong mag-ipon ng tubig na inalay sa babaeng taga Arayat (Panunuyang salita)

(Disadvatage: Salitaan ng mga manggagawa ukol sa tubig na hinihintay)

ERMITANYO
Dumaloy na ang pag-ibig ni Minggan hanggang sa kaugat-ugatan ng paang kapatagan ng arayat. (sinisimbolo ng bulaklak na naaanod hanggang sa mga pinitak)

Telang light-blue umiikot sa lahat ng taong manggagawa o mga magsasaka

(tuloy ang paglalakbay ng bulaklak sa mga;)
Makikita ang isang taong naka handusay sa daan at pinapainom ng tubig, mga magsasaka na nagpapatubig sa bukid, Mga mangingisda sa sapa, Ina at anak na naglalaba, Sundalong umiinom, mga hayop na naliligo.

(Advantage: Salitaan ng mga maggagawa ukol sa biyaya ng tubig)

Si Maria pinulot ang bulaklak na lumulutang at inaanod sa sapa, inamoy ito at inakap tanda ng pagtanggap sa pag-ibig ni Minggan. Umikot sa lahat ng tauhan at ipinasimsim ang halimuyak ng bulaklak.

ERMITANYO
Di pa ba sapat ang tubig na sukatan ng pag-ibig upang patunayan ang dalisay na pag-ibig ni Minggan, Maria?

Sa huli, nalagas ang balbas at damit ng Ermitanyo at unti-unting naging modermo ang kasuotan at hitsura (sumasabay rin si Maria na nagbabago anyo tungong moderno), at nagpasan ng mineral Water na nakalagay sa container, nag-abot ng isang basong tubig kay mariang moderno.





SAMAHANG MAKASINING(Artist Club), INC.
San Jose City, Nueva Ecija, Philippines
my email: amangpintor@yahoo.com
webiste: http://www.makasining.org

Locations of visitors to this page